Normal lang ang buhay ni Intoy/Dude/Karl hanggang sa makilala niya si Jen. Friends with benefits yan ang status ng relasyon nila. Ok si Intoy kay Jen. Alam niya kung pano sakyan ang mga trip nito. Madalas moody si Jen. Tinatanong ito ng kung anong weirdong bagay gaya ng kung anong pinakamagandang date na magpakamatay. Hindi naman pinapalampas ni Intoy na sakyan ito at sinasagot niya ang mga tanong nito kahit na gaano pa ito kaweirdo.
Weirdo din naman si Intoy. Iba ang tingin niya sa mga bagay-bagay pero hindi niya ito ipinapakita at sinasabi sa iba. Astig ang image ni Intoy. Dahil dito hindi din niya nasasabi kay Jen ang tunay nitong nararamdaman hangang isang araw ay nagtapat si Jen sa kanya na ito ay buntis, pero hindi siya ang ama.
Pagkatapos ng pagtatapat na iyon, nawala na si Jen. Pinabayaan lang ni Intoy ang ilang araw na pagkawala nito. Pero hindi nagtagal ay hinanap na niya si Jen. Pero hindi na niya ito nahanap. Walang closure ang relasyon nila kaya hanggang sa huli nangangapa si Intoy kung ano na nga ba ang nangyari dito at kung paano siya magmomove on sa feelings nito sa misteryosong si Jen.
Analisis
Bilang prequel ng kwentong It’s Not That Complicated: Bakit Hindi pa Sasakupin ng mga Alien ang Daigdig sa 2012 , nagkaroon ako ng obligasyon na basahin ang kwentong ito at mas makilala pa si Intoy at si Jen. Hindi ko inasahan na maiinip ako sa pagbabasa at mahihirapan sa pagtapos nito.
Ang kwento
Maganda ang kwento. Simple, napapanahon at relatable. Yung tipong makikita mo ang sarili mo sa ilang mga eksena at sa ilang mga karakter. Bukod pa diyan may social impact/implication ito kaya may sense kumpara sa ibang mga libro sa tabi.
Magandang subaybayan ang kwento ni Intoy at ni Jen na umiikot sa persepsyon ni Intoy. Maganda ang flow at development ng kwento. Resonable ang pagkakasunod. Ang kwento sa kabuuan ay interesante. Yun nga lang merong unnecessary stretch sa ilang parte ng kwento. Merong mga pagkakataon na nakakainip na ang paglalarawan ng ilang mga bagay o eksena.
Ok na sana ang pagkakapresent ng ideya or concept ng isang specific scene, pero inilawak pa ito ng sobra sa puntong nakakainip na.
Mga karakter
Ang basahin ang kwento sa punto de vista ni Intoy ay isang magandang idea. Bilang isang mambabasa mag-eenjoy kang malaman ang mga naiisip nito at mga nararamdaman. Mababasa mo ang tunay na nararamdaman nito at ang totoong naiisip nito sa isang sitwasyon. Yun nga lang, may mga pagkakataon na nakakainip ng malaman ang iniisip nito.
Ang image niyang “astig” ay sobra kung ihahambing ang illogical thoughts or imagination nito. Pero successful naman ito sa pagachieve ng ganitong characteristic ni Intoy. Napakita sa kwento ang pagkaastig nito sa ilang mga pangyayari.
Ang disadvantage ng kwento na nasa punto de vista ng isang karakter ay hindi naipapakita ang ibang mga emosyon o pangyayari dahil nga iisa lang ang puntong tinitignan o binabasa. This disadvantage turned to be a good thing for this book kasi napakita nito ang pagkamisteryoso ni Jen.
Gusto ko ang karakter ni Jen. Kakaiba at misteryoso. Ang karakter niya ay hindi typical na damsel in distress kung ikukumpara sa ibang mga nobela. Sabagay ang nobelang ito ay hindi naman ordinary at hindi naman maikukumpara sa ibang mga materyal sa tabi.
Ang karakter ni Jen ay isang magandang repleksyon ng mga kababaihan ngayon. Independent, smart and active. Malaya at may kakayahan. May pagkadominante na din.
Tema/boses/istilo
Kitang kita ang istilo ng manunulat sa ganitong mga likha. Sa pagpili ng salita, pagbuo ng pangungusap may style na kanyang kanya lang.
Magaling niyang napakita ang isang kwento na character centered. Medyo mahirap gawin ito lalo na kung ikokonsider ang kabuuan ng istorya. Pero walang nawalang importanteng elemento sa kwento, kung meron man iyon ay sadya at para magbigay ng kulay.
Pagdating sa humor, ok sana, kaso may pagkakataon na hindi ko gets ang pagkahumorous nito. Hindi ko alam kung ito ay dahil lang sa hindi ko panahon ang ilan sa mga references na ginamit. Pero naramdaman kong parang pilit ang humor.
Meron namang pagkakataon na sabog ang karakter. Sobrang sabog na pati ang pagbabasa ko ay sabog din. Sa mga ganitong pagkakataon naiinis ako.
Maganda ang ginawang ending. Walang closure pero appealing pa din.
Rating:
3 out of 5. I like it hindi sa kabuuan nito, pero sa maliliit na detalye na talagang nagpakabog sa akin sa kwento.